Surah Qaf - Filipino Translation by Abdullatif Eduardo M. Arceo
قٓۚ وَٱلۡقُرۡءَانِ ٱلۡمَجِيدِ
Qaf (titik Q): Sa pamamagitan ng Maluwalhating Qur’an (ikaw o Muhammad ay tunay na Tagapagbalita ni Allah)
Surah Qaf, Verse 1
بَلۡ عَجِبُوٓاْ أَن جَآءَهُم مُّنذِرٞ مِّنۡهُمۡ فَقَالَ ٱلۡكَٰفِرُونَ هَٰذَا شَيۡءٌ عَجِيبٌ
Datapuwa’t sila ay namangha nang dumatal sa kanilang lipon ang isang Tagapagbabala. Kaya’t ang mga hindi sumasampalataya ay nagsabi: “Ito ay isang kamangha- manghang bagay!”
Surah Qaf, Verse 2
أَءِذَا مِتۡنَا وَكُنَّا تُرَابٗاۖ ذَٰلِكَ رَجۡعُۢ بَعِيدٞ
“Ano? Na kung kami ay mamatay at maging abo, (kami ay muling mabubuhay?) Ito ay isang paraan ng Pagbabalik na malayo (sa aming pang-unawa).”
Surah Qaf, Verse 3
قَدۡ عَلِمۡنَا مَا تَنقُصُ ٱلۡأَرۡضُ مِنۡهُمۡۖ وَعِندَنَا كِتَٰبٌ حَفِيظُۢ
Talastas Namin kung ilan sa kanila ang kinuha (inilibing) ng lupa (na mga patay na katawan). At nasa Amin ang isang Talaan (na nag-iingat sa lahat ng pagsusulit)
Surah Qaf, Verse 4
بَلۡ كَذَّبُواْ بِٱلۡحَقِّ لَمَّا جَآءَهُمۡ فَهُمۡ فِيٓ أَمۡرٖ مَّرِيجٍ
Datapuwa’t itinatwa nila ang katotohanan (ang Qur’an) nang ito ay dumatal sa kanila, at sila ay nasa kalituhan (alalaong baga, hindi nila makilala ang pagkakaiba ng tumpak at mali)
Surah Qaf, Verse 5
أَفَلَمۡ يَنظُرُوٓاْ إِلَى ٱلسَّمَآءِ فَوۡقَهُمۡ كَيۡفَ بَنَيۡنَٰهَا وَزَيَّنَّـٰهَا وَمَا لَهَا مِن فُرُوجٖ
Hindi baga sila nagmamasid sa alapaap (langit) sa kaitaasan? Kung paano Namin nilikha at ginayakan yaon, at doon ay walang anumang kasahulan
Surah Qaf, Verse 6
وَٱلۡأَرۡضَ مَدَدۡنَٰهَا وَأَلۡقَيۡنَا فِيهَا رَوَٰسِيَ وَأَنۢبَتۡنَا فِيهَا مِن كُلِّ زَوۡجِۭ بَهِيجٖ
At ang kalupaan! Aming inilatag ito at nilagyan ng kabundukan na nakatayo nang matatag, at nagpatubo (Kami) rito ng lahat ng uri ng magagandang pananim (na magkakatambal)
Surah Qaf, Verse 7
تَبۡصِرَةٗ وَذِكۡرَىٰ لِكُلِّ عَبۡدٖ مُّنِيبٖ
Bilang pananaw at pagunita (paala-ala) sa bawat tagapaglingkod na nagbabalik-loob kay Allah (alalaong baga, siya na sumasampalataya kay Allah at gumagawa ng mga pagsunod sa Kanya at laging humihingi ng Kanyang kapatawaran)
Surah Qaf, Verse 8
وَنَزَّلۡنَا مِنَ ٱلسَّمَآءِ مَآءٗ مُّبَٰرَكٗا فَأَنۢبَتۡنَا بِهِۦ جَنَّـٰتٖ وَحَبَّ ٱلۡحَصِيدِ
At pinamalisbis Namin mula sa alapaap ang ulan na puno ng biyaya, at pinasibol Namin dito (sa kalupaan) ang mga halamanan at butil sa mga pag-aani
Surah Qaf, Verse 9
وَٱلنَّخۡلَ بَاسِقَٰتٖ لَّهَا طَلۡعٞ نَّضِيدٞ
At matataas (at mabibikas) na punong palmera (datiles) na may mga piling na hitik sa bunga
Surah Qaf, Verse 10
رِّزۡقٗا لِّلۡعِبَادِۖ وَأَحۡيَيۡنَا بِهِۦ بَلۡدَةٗ مَّيۡتٗاۚ كَذَٰلِكَ ٱلۡخُرُوجُ
Bilang mga pagkain at ikabubuhay ng mga tagapaglingkod (ni Allah); at ginawaran Namin ng (bagong) buhay ang patay (tigang) na lupa. Sa ganitong (paghahambing) ang Muling Pagkabuhay (ng patay)
Surah Qaf, Verse 11
كَذَّبَتۡ قَبۡلَهُمۡ قَوۡمُ نُوحٖ وَأَصۡحَٰبُ ٱلرَّسِّ وَثَمُودُ
Bago pa man sila, ay itinatwa na ng Pamayanan ni Noe, ng mga Kasamahan ni Rass, (ng tribu) ni Thamud (ang Kabilang Buhay)
Surah Qaf, Verse 12
وَعَادٞ وَفِرۡعَوۡنُ وَإِخۡوَٰنُ لُوطٖ
Ni A’ad, Paraon, at mga kapatid ni Lut
Surah Qaf, Verse 13
وَأَصۡحَٰبُ ٱلۡأَيۡكَةِ وَقَوۡمُ تُبَّعٖۚ كُلّٞ كَذَّبَ ٱلرُّسُلَ فَحَقَّ وَعِيدِ
At ng mga Naninirahan sa Kakahuyan, at ng pamayanan ng Tubba. Ang bawat isa sa kanila ay nagtakwil sa (kanilang) mga Tagapagbalita, kaya’t ang Aking Babala ay ipinatupad sa kanila
Surah Qaf, Verse 14
أَفَعَيِينَا بِٱلۡخَلۡقِ ٱلۡأَوَّلِۚ بَلۡ هُمۡ فِي لَبۡسٖ مِّنۡ خَلۡقٖ جَدِيدٖ
Kami (Allah) baga ay napagal sa Aming Unang Paglikha, at sila ay naguguluhan at nag-aalinlangan sa bagong Paglikha (alalaong baga, ang Muling Pagkabuhay)
Surah Qaf, Verse 15
وَلَقَدۡ خَلَقۡنَا ٱلۡإِنسَٰنَ وَنَعۡلَمُ مَا تُوَسۡوِسُ بِهِۦ نَفۡسُهُۥۖ وَنَحۡنُ أَقۡرَبُ إِلَيۡهِ مِنۡ حَبۡلِ ٱلۡوَرِيدِ
At katotohanang Kami ang lumikha sa tao, at batid Namin kung ano ang ibinubulong ng kanyang kaluluwa; sapagkat higit Kaming malapit sa kanya (sa Aming karunungan) kaysa sa kanyang ugat sa leeg
Surah Qaf, Verse 16
إِذۡ يَتَلَقَّى ٱلۡمُتَلَقِّيَانِ عَنِ ٱلۡيَمِينِ وَعَنِ ٱلشِّمَالِ قَعِيدٞ
Pagmasdan ang dalawang (nagbabantay na anghel ) na nakatalaga upang maalaman (ang kanyang mga gawa), mabatid (at maitala ito). Isa ang nakaupo sa kanan at isa sa kaliwa
Surah Qaf, Verse 17
مَّا يَلۡفِظُ مِن قَوۡلٍ إِلَّا لَدَيۡهِ رَقِيبٌ عَتِيدٞ
walang isa mang salita na kanyang usalin ang makakahulagpos sa matamang Tagapagbantay
Surah Qaf, Verse 18
وَجَآءَتۡ سَكۡرَةُ ٱلۡمَوۡتِ بِٱلۡحَقِّۖ ذَٰلِكَ مَا كُنتَ مِنۡهُ تَحِيدُ
At ang pagkabaghan (pagkatuliro) sa kamatayan ay daratal sa katotohanan. “Ito ang bagay na pinagsusumikapan mong takasan!”
Surah Qaf, Verse 19
وَنُفِخَ فِي ٱلصُّورِۚ ذَٰلِكَ يَوۡمُ ٱلۡوَعِيدِ
At ang Tambuli ay hihipan. Ito ang Araw na ang Babala ay iginawad (alalaong baga, ang Araw ng Muling Pagkabuhay)
Surah Qaf, Verse 20
وَجَآءَتۡ كُلُّ نَفۡسٖ مَّعَهَا سَآئِقٞ وَشَهِيدٞ
At ang bawat kaluluwa ay magsisilapit; na sa bawat isa ay (may anghel) na humihila at (anghel) na nagbibigay patotoo
Surah Qaf, Verse 21
لَّقَدۡ كُنتَ فِي غَفۡلَةٖ مِّنۡ هَٰذَا فَكَشَفۡنَا عَنكَ غِطَآءَكَ فَبَصَرُكَ ٱلۡيَوۡمَ حَدِيدٞ
(At sa makasalanan ay ipagsasaysay ): “Katotohanang ikaw ay hindi nakinig dito, ngayon ay Aming tinanggal ang iyong lambong, at higit na matalim ang iyong paningin sa Araw na ito!”
Surah Qaf, Verse 22
وَقَالَ قَرِينُهُۥ هَٰذَا مَا لَدَيَّ عَتِيدٌ
At ang kanyang kasamang (anghel) ay magsasabi: “Narito sa akin ang Talaan na laging nakahanda!”
Surah Qaf, Verse 23
أَلۡقِيَا فِي جَهَنَّمَ كُلَّ كَفَّارٍ عَنِيدٖ
(At ang kahatulan ay ito:) “Kayong dalawa (mga anghel), inyong itapon sa Impiyerno ang bawat isang matigas ang ulo na walang pananalig (sa Kaisahan ni Allah, sa Kanyang mga Tagapagbalita, atbp.)!”
Surah Qaf, Verse 24
مَّنَّاعٖ لِّلۡخَيۡرِ مُعۡتَدٖ مُّرِيبٍ
“ Na nagbabawal sa mga mabubuti, na nagmalabis sa hangganan (ng pagsuway ), at nag-aalinlangan
Surah Qaf, Verse 25
ٱلَّذِي جَعَلَ مَعَ ٱللَّهِ إِلَٰهًا ءَاخَرَ فَأَلۡقِيَاهُ فِي ٱلۡعَذَابِ ٱلشَّدِيدِ
Na nagtitindig ng iba pang diyos bilang katambal ni Allah, siya ay kapwa ninyo (ang mga anghel) itapon sa Kasakit-sakit na Kaparusahan.”
Surah Qaf, Verse 26
۞قَالَ قَرِينُهُۥ رَبَّنَا مَآ أَطۡغَيۡتُهُۥ وَلَٰكِن كَانَ فِي ضَلَٰلِۭ بَعِيدٖ
Ang kanyang kasama (si Satanas) ay magsasabi: “Aming Panginoon! Siya ay hindi ko itinulak na magmalabis sa pagsuway (kawalan ng pananalig, pang-aapi, kabuktutan), datapuwa’t siya (sa kanyang sarili) ay nasa kamalian at pagkaligaw na malayo.”
Surah Qaf, Verse 27
قَالَ لَا تَخۡتَصِمُواْ لَدَيَّ وَقَدۡ قَدَّمۡتُ إِلَيۡكُم بِٱلۡوَعِيدِ
Si Allah ay magwiwika: “Huwag kayong magtalo sa Aking Harapan. Noon pa mang una, Ako ay nagparating na sa inyo ng Babala.”
Surah Qaf, Verse 28
مَا يُبَدَّلُ ٱلۡقَوۡلُ لَدَيَّ وَمَآ أَنَا۠ بِظَلَّـٰمٖ لِّلۡعَبِيدِ
“Ang Aking Salita ay hindi magbabago, at Ako ay hindi maggagawad ng kahit isa mang katiting ng di katarungan sa Aking mga alipin”
Surah Qaf, Verse 29
يَوۡمَ نَقُولُ لِجَهَنَّمَ هَلِ ٱمۡتَلَأۡتِ وَتَقُولُ هَلۡ مِن مَّزِيدٖ
Sa Araw na Aming tatanungin ang Impiyerno:, “Ikaw baga ay nalalagyan na ng husto?” Ito ay magsasabi: “ Mayroon pa bang ibang darating?”
Surah Qaf, Verse 30
وَأُزۡلِفَتِ ٱلۡجَنَّةُ لِلۡمُتَّقِينَ غَيۡرَ بَعِيدٍ
At ang Halamanan (Paraiso) ay itatambad nang malapit sa Muttaqun (mga matutuwid at matimtimang tao na umiiwas sa lahat ng mga ipinagbabawal at sumusunod sa lahat ng mga ipinag-uutos ni Allah)
Surah Qaf, Verse 31
هَٰذَا مَا تُوعَدُونَ لِكُلِّ أَوَّابٍ حَفِيظٖ
(At dito ay ipagbabadya): “ Ito ang ipinangako sa inyo, (ito ay para) sa kanila na lagi nang nagbabalik-loob (kay Allah) sa taos na pagsisisi at nagpapanatili sa kanilang kasunduan kay Allah (sa pagsunod sa Kanya sa lahat ng Kanyang ipinag-utos at sumasamba lamang sa Kanya)
Surah Qaf, Verse 32
مَّنۡ خَشِيَ ٱلرَّحۡمَٰنَ بِٱلۡغَيۡبِ وَجَآءَ بِقَلۡبٖ مُّنِيبٍ
“ Na nangangamba sa Pinakamapagbigay (Allah) sa Ghaib (Lingid) [alalaong baga, sa buhay sa mundong ito bago ang pagkikita at pakikipagtipan sa Kanya, at nag-aalay ng puso na sagana sa debosyon (sa Kanya)]”
Surah Qaf, Verse 33
ٱدۡخُلُوهَا بِسَلَٰمٖۖ ذَٰلِكَ يَوۡمُ ٱلۡخُلُودِ
“ Magsipasok kayo rito sa kapayapaan at kapanatagan; ito ang Araw ng walang Hanggang Buhay!”
Surah Qaf, Verse 34
لَهُم مَّا يَشَآءُونَ فِيهَا وَلَدَيۡنَا مَزِيدٞ
Matatamasa nila rito ang lahat nilang ninanais, at mayroon pang ibang nakalaan na nasa Amin
Surah Qaf, Verse 35
وَكَمۡ أَهۡلَكۡنَا قَبۡلَهُم مِّن قَرۡنٍ هُمۡ أَشَدُّ مِنۡهُم بَطۡشٗا فَنَقَّبُواْ فِي ٱلۡبِلَٰدِ هَلۡ مِن مَّحِيصٍ
Ngunit ilan na bang mga lahi ang winasak Namin nang una pa rito (dahilan sa kanilang kabuktutan), na higit na malakas sa kapangyarihan sa kanila? (At nang ang Kaparusahan ay dumatal), sila ay nagsipamayagpag sa kalupaan (upang maghanap ng kanlungan)! Makakatagpo ba sila ng anumang pook ng kanlungan (upang iligtas ang kanilang sarili sa pagkawasak)
Surah Qaf, Verse 36
إِنَّ فِي ذَٰلِكَ لَذِكۡرَىٰ لِمَن كَانَ لَهُۥ قَلۡبٌ أَوۡ أَلۡقَى ٱلسَّمۡعَ وَهُوَ شَهِيدٞ
Katotohanang naririto ang isang tiyak na Paala-ala sa sinuman na may puso at pang-unawa o siya na dumirinig at isang saksi
Surah Qaf, Verse 37
وَلَقَدۡ خَلَقۡنَا ٱلسَّمَٰوَٰتِ وَٱلۡأَرۡضَ وَمَا بَيۡنَهُمَا فِي سِتَّةِ أَيَّامٖ وَمَا مَسَّنَا مِن لُّغُوبٖ
Katotohanang nilikha Namin ang kalangitan at kalupaan at lahat ng nasa pagitan nito sa anim na araw, at walang anumang pagkapagal ang nakapanaig sa Amin
Surah Qaf, Verse 38
فَٱصۡبِرۡ عَلَىٰ مَا يَقُولُونَ وَسَبِّحۡ بِحَمۡدِ رَبِّكَ قَبۡلَ طُلُوعِ ٱلشَّمۡسِ وَقَبۡلَ ٱلۡغُرُوبِ
Kaya’t iyong pagtiisan (O Muhammad) ang lahat nilang sinasabi, at ipagbunyi mo ang mga pagpupuri sa iyong Panginoon, bago dumatal ang pagbubukang liwayway at bago kumagat ang dilim (alalaong baga, ang pang-umaga, pangtanghali at panghapong panalangin - Fajr, Dhuhur at Asr)
Surah Qaf, Verse 39
وَمِنَ ٱلَّيۡلِ فَسَبِّحۡهُ وَأَدۡبَٰرَ ٱلسُّجُودِ
At (gayundin) sa mga bahagi ng gabi, ipagbunyi ang Kanyang mga papuri (alalaong baga, ang pangtakipsilim at panggabing panalangin – Maghrib at Isha), (at gayundin naman) pagkatapos ng pagpapatirapa (sa pananalangin), [katulad halimbawa ng pagdalit ng isang daang beses ng Subhan Allah, Alhamdu lillah, Allahu Akbar]
Surah Qaf, Verse 40
وَٱسۡتَمِعۡ يَوۡمَ يُنَادِ ٱلۡمُنَادِ مِن مَّكَانٖ قَرِيبٖ
At pakinggan sa Araw (na yaon) kung ang Tagatawag ay tumawag na sa isang pook na lubhang malapit
Surah Qaf, Verse 41
يَوۡمَ يَسۡمَعُونَ ٱلصَّيۡحَةَ بِٱلۡحَقِّۚ ذَٰلِكَ يَوۡمُ ٱلۡخُرُوجِ
Sa Araw na sila ay makakarinig ng (malakas) na Pagsambulat na (walang pagsala), at sa katotohanan (alalaong baga, ang paglabas ng mga tao sa kanilang libingan), ito ang Araw ng Muling Pagkabuhay
Surah Qaf, Verse 42
إِنَّا نَحۡنُ نُحۡيِۦ وَنُمِيتُ وَإِلَيۡنَا ٱلۡمَصِيرُ
Katotohanang Kami ang naggagawad ng Buhay at nagkakaloob ng Kamatayan; at sa Amin ang Huling Pagbabalik
Surah Qaf, Verse 43
يَوۡمَ تَشَقَّقُ ٱلۡأَرۡضُ عَنۡهُمۡ سِرَاعٗاۚ ذَٰلِكَ حَشۡرٌ عَلَيۡنَا يَسِيرٞ
Sa Araw na ang Kalupaan ay malalansag (sa pagkabiyak), na hinahayaan sila na nagmamadali sa paglabas: ito ang takdang pagtitipon na lubhang magaan sa Amin
Surah Qaf, Verse 44
نَّحۡنُ أَعۡلَمُ بِمَا يَقُولُونَۖ وَمَآ أَنتَ عَلَيۡهِم بِجَبَّارٖۖ فَذَكِّرۡ بِٱلۡقُرۡءَانِ مَن يَخَافُ وَعِيدِ
Labis Naming nababatid ang kanilang sinasabi; at ikaw (o Muhammad) ay hindi (siyang) makakapagpasunod nang sapilitan sa kanila (upang manampalataya). Kaya’t pagtagubilinan mo sila sa pamamagitan ng Qur’an na pangambahan nila ang Aking Babala
Surah Qaf, Verse 45